Kinondena ng pamahalaan ng Pilipinas ang isang panibago na namang insidente nang pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa barko ng bansa na nagsasagawa ng resupply mission sa bahagi ng Ayungin Shoal kung saan naka station ang BRP Sierra Madre.
Ayon sa National Security Council, kumpirmadong may naganap na harassment Biyernes ng umaga nang muling tangkain ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia na harangin ang barko ng Pilipinas kung saan nagsagawa pa ang mga ito ng napakadelikadong maneuver.
Sabi pa sa mga ulat, layon ng mga ito na pigilan ang isinasagawang resupply mission sa BRP Sierra Madre at binugahan ng water cannon ang Philippine supply vessel ang M/L Kalayaan ng China Coast Guard vessel na may bow number 5203.
Ang supply boat na Unaizah Mae 1 at ang M/L Kalayaan ay nakaranas din sa lubhang walang ingat at mapanganib na maneuver mula sa China Coast Guard rigid-hulled inflatable boats sa loob ng Ayungin Shoal lagoon sa kanilang paglapit sa BRP Sierra Madre.
Gayunpaman, matagumpay na naabot ng dalawang supply boat ang LS 57.
Ipinarating na rin ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing sa Chinese foreign ministry ang insidente at ipinoprotesta ang mga pagkilos na ito habang nakipag-ugnayan na rin ang Department of Foreign Affairs at direktang ipinarating ang protesta sa pamamagitan ng Maritime Communications Mechanism.
Mahigpit na dini-demand ng Pilipinas na umalis na kaagad sa paligid ng Ayungin Shoal ang mga Chinese vessels na responsable sa insidente.
Ayon sa National Security Council, ang sistematiko at pare-parehong paraan na isinasagawa ng People’s Republic of China ng kanilang mga iligal at iresponsableng pagkilos ay naglalagay sa tanong at makabuluhang pagdududa sa katapatan ng mga panawagan nito para sa mapayapang diyalogo.
Samantala, pinapurihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines sa kanilang commitment, tapang, lakas ng loob at dedikasyon para maging matagumpay ang kanilang misyon.
Ayon sa Pangulo, kapuri-puri ang aksiyon ng mga sundalo dahil sa paglalagay ng kanilang buhay sa alanganin sa tawag ng linya sa paglilingkod sa bayan.
Siniguro ng gobyerno na hindi ito patitinag sa patuloy na pambu bully ng China na gawin ang legal na karapatan nito sa mismong maritime zones ng bansa.
Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Panawagan ng gobyerno na dapat ipakita ng China na sila ay responsable at mapagkakatiwalaang miyembro ng international community.