Libu-libong katao ang nagmartsa sa Sarajevo at iba pang lungsod sa Bosnia kamakalawa, ilang araw makaraang I-livestream sa social media ang pagpaslang sa isang babae ng kanyang mister bago pinatay ang dalawang lalaki at nagpatiwakal.
Nanghilakbot ang Balkan country sa mga patayan lalo na nang ipaskil sa Instagram ang pagpaslang ng 35-anyos na suspect sa kanyang misis.
“We demand that femicide be made a specific criminal act,” ayon kay Sarajevo mayor Benjamina Karic.
Nanawagan siya sa mas mabigat na parusa sa mga krimeng femicide, domestic violence at sa pagbubuo ng mas maraming safehouse para sa kababaihang biktima ng karahasan.
Hinimok din niya ang mga biktima na isumbong ang mga umatake sa kanila.
“This is the last moment to adopt adequate measures. All those who hold positions of responsibility and who tolerate this situation become accomplices in perpetrating violence,” sabi ni Karic
Ayon sa local non-government organizations (NGOs), may 20 babae ang pinatay ng kanilang mga asawa sa Bosnia sa nakalipas na dalawang taon.
Sa isang bansa na may 3.5 milyong populasyon, 48 porsiyento ay kababaihang biktima ng iba’t ibang uri ng karahasan ng lalaking may edad na 15-anyos pataas, ayon sa pag-aaral noong 2018.