Lubos-lubos ang pasasalamat ang ipinahatid ng isang Pilipinang caregiver na nakauwi na mula sa Israel nitong nakaraan at ayon sa kanya, dahil hindi siya sigurado noon na makakaligtas sila ay naghabilin na siya sa kanyang pamilya.
Kuwento ni Myline Rivera na kasama sa mga Pinoy na nakauwi na sa Pilipinas mula sa Israel, nagtago sila ng kaniyang amo sa bomb shelter nang sumalakay ang Hamas noong Oktubre 7.
Dagdag niya, kahit nasa bomb shelter na sila, madidinig pa rin nila ang mga pagsabog at mga putok ng baril. Hanggang sa may nagtatangka na umanong buksan ang pinto ng kanilang pinagtataguan.
“Naririnig na namin ‘yung tumatawag ang residents sa news na tulong kailangan namin ng sundalo sinusunog na mga bahay namin. …’yung barilan walang hinto sir nakakatakot talaga,” saad ni Rivera sa isang panayam.
Sa gitna nang kaguluhan at takot, ang pamilya sa Pilipinas ang kaniyang nasa isip. Sa pag-aakalang hindi sila makaliligtas, nagpadala na siya ng huling mensahe.
“Sa mga anak ko muna, sabi ko mga anak magmahalan kayo, mahal na mahal kayo ni mama. Hindi ako makakapag-reply dahil pa lowbat na ako. Sa asawa ko naman, pag-ingatan mo mga anak natin mahal na mahal kita,” sabi ni Rivera.
Matapos maipadala ang mensahe, sinabi ni Rivera na tumulo ang kaniyang luha pero hindi niya ipinakita sa kasama niyang nakatatanda para hindi panghinaan ng loob.
Nakaligtas sina Rivera nang dumating na ang mga Israeli soldiers kinagabihan. Doon na rin nalaman ni Rivera na dalawang kasamahan niya ang nasawi sa Kibbutz Beeri at ang matalik niyang kaibigan ay nawawala pa rin.
Ngayong nakauwi sa Pilipinas, naiisip naman ni Rivera ang naiwan niyang amo at pamilya nito sa Israel. At maging sa kaniyang kaibigan na nawawala, na patuloy niyang ipagdarasal.