Iniulat ng mga otoridad na naaresto na umano ang isa pang suspek sa panggugulpi na ikinamatay ng isang tindero na kanila lang napagtripan sa Pasig noong Hunyo.
Base sa mga paunang ulat, nadakip ang suspek na kinilalang si Wilfredo Sarisa ng mga operatiba mula sa Tanay Police noong Miyerkules.
Kung matatandaan, una nang naaresto noong nakaraang Oktubre ang isa pang suspek na si Arnel Tacud.
Patuloy namang tinutugis ang isa pang suspek na si Ian Noblesa dahil sa pagpatay nila sa biktimang si Jeffrey Mundin.
Nakunan sa CCTV noong huling linggo ng Hunyo sa overpass ng C-5 Road sa Barangay Ugong ang ginawang paggulpi ng mga suspek sa biktima.
Dinala sa ospital si Mundin pero binawian din ng buhay dahil sa matinding pinsala na tinamo sa ulo.
Ayon sa pulisya, hinampas ng bato ang biktima. Kasong murder ang isinampa sa tatlong suspek.
Umaasa ang asawa ng biktima na si Cristina Fernandez na mahuli na rin sana ang huling suspek upang pagbayaran nila ang ginawang pagpatay sa kaniyang kabiyak.