Dalawampu’t siyam na tao ang namatay at dose-dosenang iba pa ang nasugatan sa pagbomba ng militar ng kampo para sa mga nagsilikas sa hilagang Myanmar, ayon sa tagapagsalita ng isang grupo ng rebelde na kumokontrol sa lugar na kinalalagyan ng silungan.
Sinabi ni Colonel Naw Bu ng Kachin Independence Army sa Agence France-Presse na nangyari ang pag-atake alas 11:30 ng hapon ng Lunes at napatay ang ilang bata at matatanda.
May 56 tao rin ang nasugatan at 42 sa kanila ay ginagamot sa malapit na ospital, dagdag ni Naw.
Walang narinig na eruplano ang mga rebelde kaya iniimbestigahan nila kung drone ang ginamit sa pag-atake ng kampo malapit sa bayan ng Laiza sa may border ng Tsina.
Sa mga larawang kuha ng lokal na media tungkol sa insidente, makikita ang mga rescuer na gumagamit ng ilaw para makuha ang mga bangkay sa ilalim ng mga wasak na kahoy.
Ipinakikita rin sa mga litrato ang sampung bangkay na natakpan ng tuwalya at tarpaulin ang nakahilera sa lupa.
Mahigit 10,000 tao na ang nagsilikas sa Kachin state mula nang tanggalin sa puwesto si Aung San Suu Kyi ng mga military noong 2021.
Ang kudeta ay sinundan ng malalaking protesta laban sa militar, na marahas namang binuwag ng mga sundalo.
May 4,100 na ang namamatay sa labanan ng mga rebelde at militar habang libu-libong nagprotesta ang inaresto at ikinulong sa Myanmar, ayon sa grupong Assistance Association for Political Prisoners.