Nagsampa ng kaso laban sa isang banyaga ang Palawan Council for Sustainable Development dahil sa paglalagay niya ng bakal na spiral staircase sa loob ng kuweba ng Pukaway sa isla ng Coron.
Walang kaukulang permit ang paglalagay ng hagdan at mga ilaw sa loob ng kuwebang sakop ng lupain ng mga katutubong Tagbanua, ayon kay Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.
Ang kasong isinampa noong ika-6 ng Oktubre ay paglabag sa Section 7 ng Republic Act 9072, o ang National Caves and Cave Resources Management and Protection Act.
Hindi tinukoy ni Fabello ang banyaga na ginawang eco-park ang nasabing kuweba.
Bawal ang paglalagay ng mga ilaw at hagdan nang walang permit at approval alinsunod sa nasabing batas.
Ang walang pahintulot na pagbabago sa kuweba ay may masamang epekto sa maselang ecosystem ng kuweba, sabi ni Fabello.
Ito rin ay nakakagulo sa habitat at nakakasira ng natural na kagandahan at cultural significance ng kuweba, dagdag niya.
Unang nang iniutos ng PCSD sa developer na itigil ang operasyon nila sa eco-park, ngunit patuloy nilang ipinakikilala ang Pukaway Underground Eco-Park bilang puntahan ng mga turista sa Coron.
Bagaman pumayag ang mga Tagbanua sa magtayo ng mga cabana ang developer sa lugar at aprobado ito ng National Commission on Indigenous Peoples, hindi kasama sa kasunduan ang pag-develop ng kuweba, ayon kay Fabello.
Hindi rin ligtas sa kuweba tuwing high tide dahil maaaring ma-trap ang mga turista sa loob nito, babala ni Fabello.