SAPAT ang bilang ng mga nars sa Pilipinas para punuan ang mga bakanteng posisyon sa iba’t ibang pampublikong ospital sa buong bansa.
Ang problema lang ay hindi pina-publish o hindi ipinaaalam ng Department of Health (DOH) ang vacancy lalo na’t permamnet o plantilla position ito kaya’t hindi makapag-apply ang mga nars.
Sa panayam kay Philippine Nurses Association (PNA) national president Melvin Miranda sa programang The Chiefs sa One News kamakalawa, tiniyak niyang husto ang bilang ng mga nurse sa bansa, lalo na’t mahigit 10,754 ang nakapasa sa licensure exam noong Mayo 2023
Ibig sabihin, ang ipinangangalandakan ni acting Health Secretary Ted Herbosa na kapos sa nurse ang Pilipinas lalo na sa public hospitals, ay walang katotohanan.
“Ang concern natin is these job openings are not being published and being mapped accordingly kung saang hospitals ang open. So it’s a matter of basic info dissemination to our nurses so that they can process their applications as well,” paliwanag ni Miranda.
Kung susumahin natin ang mga pahayag ng PNA at ng Filipino Nurses Unite (FNU), parang ‘fake news’ pala ang ipinakakalat ni Herbosa na nurse shortage.
Hindi natin maunawaan kung bakit ‘inililihim’ ng DOH ang bakanteng plantilla positions at gusto pang ibigay ang puwesto sa board exam flunkers.
Umani lang ng batikos ang plano ni Herbosa na bigyan ng temporary license ang nursing board flunkers dahil walang probisyon sa Republic Act 9173 o ang Philippine Nursing Act, na nagbibigay ng kapangyarihan sa Professional Regulation Commission (PRC) o alinmang government agency na magbigay ng temporary license sa mga nursing graduates na hindi pa nakapasa ng Nurse Licensure Examination.
Kung tutuusin, napakadaling tugunan ang sinasabing problema ni Herbosa, makipagpulong siya sa iba’t ibang health workers groups, konserbatibo man o progresibo upang makita niya ng malinaw ang tunay na sitwasyon ng kanilang sektor.
Makinig, huwag manaig ang pride dahil ang mga grupong ito ang magsasabi sa kanya ng lehitimong solusyon sa kinakaharap na problema ng serbisyong pangkalusugan.