Kung inaakala ng mga panatiko sa UniTeam nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte na sa National Capital Region (NCR) lamang kumukupas ang bilib ng tao sa kanila, isa itong malaking kasinungalingan.
Mismong sa Davao City, na balwarte ni VP Sara, ay lumagapak ng husto ang net trust ratings nila ni Marcos Jr., batay sa artikulong inilathala sa mindanews.com.
Dapat maalarma ang “Bagong Pilipinas” tandem sa resulta ng isinagawang survey ng Institute of Popular Opinion (IPO) ng University of Mindanao, na bumagsak sa 1% net trust rating ni Marcos Jr. noong Hunyo 2023 kompara sa 49.5% noong nakaraang taon
Habang si VP Sara ay malaki rin ang nabawas sa net trust rating na ngayo’y 46% mula sa 78.1% noong 2022.
Habang si Senator Risa Hontiveros ang most trusted Senator, sina Senators Sherwin Gatchalian at Christopher Lawrence “Bong” Go ang pangalawa at pangatlo.
Isinagawa ang survey mula Hunyo 7 – 13, 2023 upang alamin ang awareness at trust ng Dabawenyos sa national leaders.
Kung magpapatuloy ang ganitong sentimyento sa Davao City, may posibilidad na maging “opposition bailiwick” ito sa 2025 midterm elections.
May tsansang mangyari ang pangitain ni dating Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas na magiging bagong leader ng oposisyon si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa 2025 lalo na’t nasa likod niya si Chinese President Xi Jinping sa gitna ng nakaambang paglalabas ng international warrant of arrest laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Hindi naman kasi matatawaran hanggang sa ngayon ang popularidad ni Digong at ang pagkagiliw sa kanya ng China kompara kay Marcos Jr., na ang pakiramdam ng Beijing ay mas pinapaboran ang US .
Malinaw ang mensahe sa administrasyong Marcos Jr. ng pulong nina XI at Duterte sa Beijing kamakailan, “Don’t mess with us.”