IT’S payback time.
MALAKI ang naitulong ng LGBT community sa tagumpay noong 2022 presidential elections ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr kaya titiyakin mapangangalagaan ng kanyang administrasyon ang kanilang kapakanan.
Inihayag ni First Lady Liza Araneta-Marcos na siguradong papayagan ng kanyang esposo ang panukalang magbuo ng advisory body para sa LGBT affairs sa ilalim ng Office of the President upang magkaroon ng kinatawan ang grupo sa burukrasya.
“Knowing my husband, I’m sure he will grant the wish because he knows that you all campaigned for him, and he wouldn’t be there without you guys,” sabi ng Unang Ginang sa ginanap na oath-taking ng bagong mga opisyal ng LGBT Pilipinas sa LGBT Pride Reception in Malacañang on June 29.
Nauna nang sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na iminungkahi ng LGBT Pilipinas ang pagtatayo ng isang commission on LGBTQIA+ affairs sa ilalim ng OP at hiningi ang suporta ng Unang Ginang.
Anang PCO, dahil wala pang ipinapasang batas laban sa diskriminasyon,may komitment ang LGBT Pilipinas na tulungan ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng kani-kanilang ordinansa laban sa diskriminasyon batay sa sexual orientation, gender identity o expression, at sexual characteristics (SOGIESC), gaya ng inaprobahan sa Cebu City, Bacolod City, at Davao City.
Inirekomenda ng UN Human Rights Council (UNHRC) sa Pilipinas noong 2022 na magpasa ng isang gender equality bill at iba pang batas na magbibigay proteksyon sa LGBTQIA+ community.