Sa katatapos na Manila International Film Festival na ginanap sa Los Angeles, California sa Estados Unidos, sina Piolo Pascual at Dindong Dantes ang mga hinirang bilang pinakamahusay na aktor.
Ang taray, di ba naman? Papa P para sa “Mallari” at Kuya Jose Sixto para sa “Rewind.” Walang nagdabog ang bangs at mas lalong walang hibang factor ang pagkapanalo nila. Sila ang pumasa sa pihikang panlasa ng mga hurado sa kauna-unahang MIFF kung saan ang mga MMFF films in competition ay tinatanghal sa Los Angeles para mapanood ng mga Pilipino at banyagang mausisa at may gusto sa mga pelikulang Pinoy.
Dahil nga tabla sina Piolo at Dingdong sa best actor, marami ang umaasa na pagsamahin ang dalawa sa isang pangmalakasang pelikula. Pwedeng mala-“Cain at Abel” ang plot o kaya, para mas kontrobersyal, mala-“All of Us Are Strangers” na tiyak susubok sa kakayahan at tapang nina master Pascual at Dantes bilang mga artista at magagaling na aktor.
Ang Star For All Seasons Vilma Santos ang tinanghal na best actress para sa “When I Met You In Tokyo.” Balita rin na malakas sa takilya ang pelikula na isang patotoo na talagang may following pa ang tambalang Ate Vi at Christopher de Leon.
Sa pangalawang pinaka-mahusay na aktor, si Pepe Herrera ang wagi para sa “Rewind.” Si Alessandra de Rossi naman ang best supporting actress para sa “Firefly.”
Patungkol sa “Firefly,” big winner talaga ito kasi nga hinirang bilang pinakamahusay na pelikula, best director si Zig Dulay at best screenplay si Angeli Atienza.
Pangalawang pinakamahusay na pelikula ang “GomBurza” at may special jury prize na iginawad sa “Becky at Badette” ni direktor Jun Lana,
Sa lahat ng mga nanalo, mahusay kayo, mabuhay kayo! Naway mas marami pa talaga ang manalig at tumangkilik sa pelikulang Pilipino.
**
Marami talaga ang binigla at nalungkot sa pagkamatay ni Deo Edrinal, ang head ng Dreamscape Entertainment ng ABSCBN.
Bukas na aklat na maraming artista, creative, finance, technical at production staff ang talagang ang mga buhay at kabuhayan ay nabago at mas naging mainam dahil nga sila ay bahagi ng mga bigating palatuntunan mula sa Dreamscape.
Ang mga programang mula sa Dreamscape, ang mga tatak na Sir Deo Edrinal na sangkap ay kung hindi casting coup, power house casting, mga kwentong sumasalamin at nagpapakita ng mga tunay na kaganapan sa kontemporaryong panahon, aesthetic at production values na mataas ang kalidad at higit sa lahat, mahusay at maigting na pagbibigay ng buhay at pagganap mula sa mga artistang kasama sa palatuntunan.
Ilan sa mga hindi makakalimutang Dreamscape TV series ay ang “FPJ’s Ang Probinsiyano,” “The General’s Daughter,” “Bagman,” “Dirty Linen,” “Senior High” at ang mga kasalukuyang minamahal na “Linlang,” “Can’t Buy Me Love” at “Ang Batang Quiapo.”
Ang anak nito si PJ Edrinal ang naglabas ng opisyal na pahayag sa Facebook tungkol sa pagpanaw nito.
Sa social media, bumaha ang pag-alala at pakikiramay ng mga artista sa mga naulila ni ginoong Edrinal.
Sina Jodi Sta. Maria, Maja Salvador, Janine Gutierrez, Shaina Magdayao, Aiko Melendez, Andrea Brillantes, Angeline Quinto, Donny Pangilinan at marami pang iba.
60 years old si Sir Deo sa kanyang pagkamatay. May cancer ito sa gall bladder, ayon sa mga balita. Taos pusong pakikiramay sa pamilya ni Sir Roldeo Edrinal.