Hinimok ng Department of Health ang mga deboto ng Itim na Nazareno ng simbahang Quiapo na magsuot ng maskara at iwasang hawakan at halikan ang istatwa sa pagbabalik ng prusisyon ng poon sa Martes.
Ito ay para maiwasan daw ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit.
Ipinagbawal ang tradisyunal na paghalik sa imahe noong kasagsagan ng pandemya sa Covid-19 noong 2021.
Ngayong 2023 ay wala pa ring Pahalik at sa halip ay papayagan lamang ang mga deboto na hawakan ang Itim na Nazareno gamit ang kanilang panyo at tuwalya.
Ayon sa DOH, mababa naman ang transmisyon ng Covid-19 sa kasalukuyan. Maging ang bilang ng mga kritikal sa naturang sakit sa mga ospital ay nasa 11 porsyento lamang.
Una nang sinabi ng paring si Hans Magdurulang, tagapagsalita ng Nazareno 2024, na hindi na maaaring makasampa o makaakyat ang mga deboto sa andas ng Nazareno.
Ito ay dahil mayroon nang salamin ang andas ng poon at matitingnan na lamang ito sa ibabaw ng karwahe.
“Ang ating pagpapanumbalik ay yung dating paraan, pagdiriwang na kung saan higit na nakikita sa ibabaw ng andas ang imahe ng Nazareno dahil ang pagdiriwang na ito ay hindi tungkol sa atin lang mga deboto. Higit sa lahat ito ay tungkol sa Nazareno kaya siya ang ating ipakita muli sa mga tao,” sabi ng pari.
Kaugnay ng prusisyon, idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Enero 9 bilang special non-working holiday sa Maynila para sa maipagdiwang ang pista ng Nazareno.
Tinatayang aabot sa 22 milyong deboto ang dadagsa sa pista na nagsimula sa nobenaryo noong Disyembre 31 at tatagal hanggang Enero 10.