Pasko na, kaya dito sa Chika-Diva, ang mga regalong nais matanggap mula kay Santa Claus para sa mga kabataang artista ay:
Daniel Padilla at Andrea Brillantes, ang Pamaskong handog niyo na tiyak na gugulantang sa lahat, ang pag-amin niyong oo, kaya nga. Kayo laban sa mapanghusga ang dramarama niyo sa buhay. Hawak kamay kayo habang nagpapakatotoo tapos ang mga tinginan niyo habang umaamin, ang pagmamahal sa inyong mga mata, nag-uumapaw. Ewan ko lang kung kayanin ng mga poot na poot at suklam na suklam sa inyo ang inyong “katotohanan” at “kapwa katotohanan lamang.”
Jillian Ward, naway mabigyan ka ng mga proyektong teen-ager ka talaga, hindi iyang doktora ka nga sa iyong pangmalakasang palatuntunan pero lagi ka namang naiisahan at nauunahan ng mag-inang Zoey at Moira.
Xyriel Manabat, ning ikaw ang tunay na patotoo na pag talagang talentado ang isang child star at lumaki na tulad mong maalindog at spunky, palakpakan may kasamang sigawan para sa isang aktres na tiyak na mas lalo pang mamumukadkad ang husay at galing.
Radson Flores at Ysabel Ortega, ang dalawang tunay na may X factor at estrellang kalidad na mula sa Voltes V live action, millennial adaptation. May kakaibang karisma at pangrahuyo factor itong si Ortega maski itanong niyo pa sa ka-exclusively dating niyang si Miguel Tanfelix at ang tikas, tindig at manboy appeal ni Flores, nagsusumigaw na papa can you here me at papa don’t preach.
Zaijan Jaranilla at Miggy Jimenez, ang hindi inaasahan at tunay na nakakilig nilang tambalan, ay isa sa mga dahilan kaya ang “Senior High,” palong-palo sa ratings. Naway mas palawigin pa ang tambalang TimPoch lalo na nga’t sakdal husay umarte sina Zaijan at Miggy.
Atasha Muhlach, tunay na showbiz royalty, check. Kagandahang pambihira, dalawang check. Star quality na hindi kiyeme latik, triple check. Si Atasha talaga ang tunay na Gen Z It Girl!
SB19 Ken Suson at Stell Ajero duet, ang dalawa sa pinaka-tanyag na miyembro mula sa Southeast Asian Pop Superstar Group, ang SB19. May pinaka-malaking ship fans ang KenTell at ang artistic collaboration nilang dalawa, isang duet tungkol sa kanilang friendship at bromance ay talagang inaabangan at kinapapanabikan.
Kazel Kinouchi, gandang kabwibwisitan. Gandang pwedeng kaawaan. Gandang karapat-dapat mahalin. Mahusay na mahusay bilang bwisit sa buhay ni Doc Annalyn. Hindi makakaila na nagmumura talaga ang kanyang karapatan at kakayahan na mas lalong sumikat.
Jhassy Busran at LA Santos, kapwa mapaghamon ang kanilang mga katauhan sa mga pelikula nilang pinagbidahan at sa totoo lang, pasadong-pasado ang dalawa dahil nga sinagpang nila ito. Si Busran ay ang Gen Z Drama Princess na hindi pwedeng pagdabagan ng bangs ang titulo dahil may acting talent talaga at may gandang Pinay na Pinay. Si Santos ay hindi lang basta-basta matinee idol, humahaplos sa puso ang kanyang pag-arte dahil tapat at sinsero.
Daniela Stranner, magaling. Sosyalin. Pang-bida kontrabida. At palaban ang alindog.
Kimson Tan at Bruce Roeland, dalawa sa barakong totoo mula sa Sparkle na talagang pang leading man ang kalidad, makikisig, magaganda ang mga mukha at tindig. At ang Christmas wish ng lahat para sa mga Kapusong ito, ay kung nag-uumapaw pa ang kanilang acting talent, tiyak na malayo ang kanilang mararating sa showbizlandia.
Maligayang Pasko sa inyong lahat mga ka-Tirada. Kabutihan, katotohan at kagandahan para sa ating lahat!