Kusang sumuko sa Armed Forces of the Philippines (AFP) 68th Infantry Battalion (IB) ang 22 indibidwal na umano’y may kaugnayan sa komunistang grupong New People’s Army (NPA) sa Calintaan, Occidental Mindoro.
Ayon kay Cpt. Ersel Filipinas ng 68th IB, nagbahay-bahay ang mga kasundaluhan upang ipaliwanag ang Anti-Terror Law at magbigay ng information drive bilang bahagi ng Pagkalas ng Suporta program ng AFP mula ika-25 ng Mayo hanggang ika-4 ng Agosto.
Dagdag ni Filipinas, ginawa ang info drive upang malaman ng mga mamamayan na mali ang sumuporta sa NPA.
“Nakasaad sa Anti-Terror Law na kung sino ang sumusuporta sa kabila (NPA), kahit sino ka pa, pwede kang makasuhan,” paliwanag ng kapitan.
“Umiiwas tayo sa mga offensive na bagay o manakot. Peaceful na approach pa rin ang banat natin. Effective itong approach na it kahit sa mga [Geographically Isolated and Disadvantaged Areas] GIDAs at [Indigenous People] IP communities natin,” paliwanag niya.
Tuloy-tuloy pa rin ang pagsugpo ng AFP sa insurgency sa Occidental Mindoro kasama ang Provincial Task Force-End Local Communist Armed Conflict (PFT-ELCAC).