Isang lalaki ang nasawi matapos umanong bugbugin ng isang barangay tanod sa Barangay 868 sa Pandacan, Maynila nitong Linggo.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay isang 55-anyos na lalaki at base sa paunang imbestigasyon, sinabi ni barangay chairman Rodel Encina na inaawat umano ng suspek na tanod ang isang lalaki at babae na nagtatalo dahil sa kuryente.
Nakainom din daw ang lalaking biktima.
“Hinihikayat ni suspek si biktima na pag-usapan na lang sa barangay, gawa nga ng si suspek ay tanod namin, Eh base sa mga malapit na tao na nangyari dun, si biktima parang hindi maganda ang sagot sa suspek kaya itong si suspek napikon,” sabi ni Encina.
Nasapul naman sa CCTV ang pananakit ng suspek. Nakitang hinabol din niya ang biktima nang tangkain nitong tumakas.
Nagpunta sa police station ang biktima at nagpadala sa ospital dahil umano sa pananakit ng katawan at doon na siya binawian ng buhay.
“Masakit tagiliran niya. Sabi ko, ano bang ginawa sa’yo? Tinuhuran daw siya. ‘Yung ang iniinda niya,” saad nng kapatid ng biktima na kinilalang si Rolando Traballo.
Dagdag niya, dati nang may sakit ang biktima pero matagal na aniya itong gumaling,
Dahil dito, nagkasa ng follow-up operation ang kapulisan para arestuhin ang tanod ngunit nakatakas na raw siya.