Mahaharap sa hanggang sampung taong pagkabilanggo, habambuhan na ban sa puwesto sa gobyerno at kokompiskahin ng pamahalaan ang “tagong yaman” ang isang opisyal ng pamahalaan na napatunayang nagpabaya sa kanyang tungkulin, ayon sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Habang batay sa Revised Penal Code, ang parusang ipapataw sa magiging guilty sa “dereliction of duty” o pagpapabaya sa tungkulin ay “6 years in its minimum, prison correctional.”
Nabatid sa reklamong inihain ng 18 sa 400 Pinoy na naloko ng Italy-based immigration consultancy firm Alpha Assistenza SRL sa Usapang OFW program sa Daily Tribune Youtube channel at Facebook page na isang Philippine official sa Italy ang ipinagmamalaking “close” ng mga may-ari ng naturang kompanya.
Inilahad ng complainants sa Department of Migrant Workers (DMW) kahapon ang kanilang masaklap na karanasan nang maonse sila nina Alpha Assistenza co-CEOs Krizelle Respicio at Frederick Dutaro na umabot sa 3,000 euros bawat isa sa kanila.
Ang dating mamamahayag na si Elmer Cato ang consul general sa Italy mula pa noong Nobyembre 2022.
Hinihintay pa ang tugon ni Cato kaugnay sa umano’y mga naturang reklamo na “natulog” sa kanyang tanggapan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na personal niyang tututukan ang mga reklamo kapag natanggap na ang endorsement mula sa DMW.
Sinabi ninaDirectors Geraldine Mendez at Eric Dorig Dollete ng Migrant Workers Protection Bureau ng DMW na maliban sa pag-endorse sa DOJ ay bubuo rin sila ng isang fact-finding mission sa Italy.
Napag-alaman sa complainants na inihain nila sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang umano’y paggamit ng Alpha Assistenza ng fake work permit documents na nagresulta sa pagbasura sa kanilang mga visa application.
Napuna din nila ang ilang iregularidad sa “handling” ng kanilang visa applications ng Philippine Interactive Audiotext Services, Inc. (PIASI), kasama ang pagtanggap ng kanilang bayad sa isang coffee shop sa ground floor ng gusali kung saan matatagpuan ang opisina ng PIASI.
Ang PIASI ang third-party service provider na accredited ng Italian Embassy sa Manila.