MAAARING magpataas ng tension sa rehiyon ang ilalabas ng National Security Council (NSC) na isang updated Philippine map na nagpapakita ng maritime entitlements ng bansa para kontrahin ang kontrobersiyal na 10-dash line map ng China.
“Bagaman kauna-unawa ang hangarin ng NSC na ipagtanggol ang mga karapatan ng Pilipinas sa karagatan, may pangamba na ang mga ganitong aksyon ay maaaring magdulot ng pagtaas ng tensyon sa rehiyon,” pahayag ni political analyst at UST Political Science Professor Marlon Villarin kahapon.
Aniya, ang desisyon na labanan ang mga pahayag ng China sa pamamagitan ng pagbuo ng isang bagong mapa ay nagdudulot ng mga tanong hinggil sa epektibo ng ganitong hakbang.
Giit ni Villarin , bagama’t maaari itong makita bilang isang simbolikong kilos, hindi ito lubos na nag-aaddress sa malalim na mga isyu ng diplomasya at batas na bumabalot sa mga alitang pangteritoryo sa South China Sea.
Sinabi ni NSC Spokesperson Jonathan Malaya, ang updated map ng bansa ay sumasailalim pa sa approval process subalit ito ay alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.
Ani Malaya, maaaring mag-reflect din sa mapa ang Philippine Rise na isang extended continental shelf sa silangang bahagi ng Pilipinas.
Ang Philippine Rise na dating tinatawag na Benham Rise ay isang 13 million hectare underwater plateau malapit sa Aurora at pinaniniwalaang magandang source ng natural gas at iba pang resources.
Para kay Villarin, dapat bigyang prayoridad ang konstruktibong pag-uusap, negosasyon, at internasyonal na arbitration bilang isang mas maikling landas patungo sa pangmatagalang solusyon.
“Ang China ay patuloy na ipinapakita ang malakas na paninindigan sa kanilang mga teritoryal na pahayag, madalas na gumagamit ng agresibong retorika at militar na pagpapakita,” sabi ni Villarin.
“Bilang tugon sa mapa ng Pilipinas, maaaring ito’y tingnan ng China bilang isang mapang-udyok, na maaaring magresulta sa mas mataas na tensyon at pagtaas ng panganib sa militar na pagkakasangkot,” dagdag niya.
Ang anumang aksyon aniya mula sa anumang panig ay dapat na maingat na pinag-iisipan upang maiwasan ang pagpapalala ng isang lubhang mapanganib na sitwasyon.
Matatandaang naghain ng protesta ang Pilipinas laban sa China noong Agosto matapos isapubliko ng Beijing ang 10-dash line map na korteng U, na sumasakop sa halos kabuuan ng South China Sea bilang bahagi ng kanilang teritoryo.