Inihayag ng Department of Migrant Workers nitong Sabado na makikipag-ugnayan na ang ahensya sa New Zealand authorities upang payagan nang makapagtrabaho ang mga overseas Filipino workers doon na biglang nawalan ng trabaho nang magsara ang pinapasukan nilang kompanya.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, 452 sa 700 apektadong OFWs ang humingi ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas.
“And so we have come to the aid of the 452. In process ang kanilang pagbibigay ng financial assistance,” sabi ni Cacdac. “In addition to this, there are around 50 recipients who are New Zealand residents or dual citizens at sila naman ay tinutulungan ng embahada.”
Sinabi rin ni Cacdac na karamihan sa mga apektadong OFWs ay nasa Auckland at Christchurch, kung nasaan ang dating malalaking proyekto ng pinapasukan nilang dating kompanya.
“Ang next way forward natin sa kanila is to make representations with the New Zealand Ministry of Affairs and request them to possibly uphold the workplace of the workers to enable them to return to New Zealand and settle their obligations and/or transfer employers,” saad ni Cacdac.
Dagdag pa niya, mayroong mga employer ang nakipag-ugnayan sa kanilang labor attachés sa Wellington at nagpahayag ng interes na kunin ang serbisyo ng mga OFW na nawalan ng trabaho.
Ayon pa sa kaniya, kinukumpirma rin nila ang impormasyon na may nahanap nang bagong trabaho ang ilan sa naapektuhang OFWs.
“Rest assured we will continue to help the OFWs affected by the ELE closure, including the 14 who are here on vacation,” sabi ni Cacdac.