Malungkot na balita ang bumungad sa mga Pilipino sa huling linggo ng Agosto matapos inanunyo ng GMA Network na sumakabilang buhay na ang batikang broadcast journalist na si Miguel Enriquez o mas kilala bilang Mike Enriquez, sa edad na 71.
Mapa-Kapuso or Kapamilya, nagbigay ng mga madamdaming anekdota tungkol sa kung papaano naging bahagi ng buhay nila ang beteranong mamahayag.
Sa lampas 50 taon niya bilang mamahayag, hindi matatawaran ang naging kontribusyon ni Sir Mike, hindi lamang sa mundo ng pamamahayag sa bansa, kundi pati na rin sa mga ordinaryong Juan dela Cruz.
Boses niya ang almusal ng mga Pilipino sa umaga, estudyante man o ordinaryong manggagawa, bago sumabak sa panibagong araw nang pagpapagal.
Sa pagsapit naman ng gabi, siya pa rin ang kasalo natin sa hapunan habang ibinabalita ang mga importanteng pangyayari sa bansa na parte na ng kasaysayan ngayon.
Hindi ako naging mapalad na makadaupang palad si Sir Mike pero iba ang epekto ng pagpanaw niya sa akin. Hindi ko itatanggi, naantig ang puso ko nang marinig ko mula mismo sa partner niyang si Ms. Mel Tiangco ang balita tungkol sa pagpanaw niya.
Bilang bagito sa industriya, mataas ang respeto ko sa mga batikang mamamahayag na naunang tumindig at lumaban para sa katotohanan.
Tulad ng marami na gaya kong baguhan sa industriya, pinangarap kong makatrabaho ang isang Mike Enriquez.
Isa siya sa mga nagpayabong ng pagnanasa sa puso ko sa napili kong propesyon.
Malaki ang iiwang bakas ng pagkawala ni Sir Mike sa mundo ng pamamahayag pero mananatili siyang inspirasyon sa hanay na manatailing tumindig para sa liwanag at katotohanan.