Isang lalaki ang bumagsak sa kalaboso matapos siyang mahuli sa umano’y pagkulimbat ng nasa P15 milyon sa mga biktimang babae, kasama na ang mga single mother sa pamamagitan ng scam sa dating app.
Ayon sa National Bureau of Investigation Cybercrime Division, nagpapanggap umano ang suspek na negosyante o tagapagmana ng isang mayamang pamilyang Chinese.
Batay sa panunang imbestigasyon, hinahanap umano niya ang mga biktima sa pamamagitan ng dating app, at kukumbinsihin na para matanggap ng kanyang mayamang pamilya, kailangan may negosyo na nakapangalan sa kanya at sa biktima.
Bahagi umano ito ng background check ng kanyang pamilya, sabi ng isang biktima.
Sa isang entrapment operation sa Mandaluyong, hindi na nakapalag pa ang suspect. Nakuha ng mga operatiba ang marked money na P25,000 na natanggap niya at parte sana ng transaksyon niya sa isa pang biktima.
May nakuha ring 3.5 gramo ng hinihinalang shabu sa isang sachet, sabi ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc.
Iba’t ibang dating app ang ginamit ng suspect para makapanloko mula 2020, ani Lotoc.
Dagdag ni Lotoc, umabot sa halos P15 milyon ang nakuha ng lalaki sa halos 20 na biktima sa loob ng 3 taon, na ginagamit niya sa casino.
“Ang ginagawa ng subject natin, ipapasok niya sa casino, ilalaro niya doon,” sabi ni Lotoc.
“Based sa record namin at based sa investigation namin, 2020 pa nag-start na ito. In fact, based doon sa computation namin nasa P12 to 15 million na ang nakukulimbat nito sa mga biktima niya… bawat isang victim, katulad nito sa isang complainant nasa P1 million yung nakulimbat niya,” dagdag niya.