Ibinisto sa pagdinig sa Senado ng kapitan ng lumubog na MB Aya Express na umano’y kalakaran sa Binangonan port ang panunuhol sa mga kagawad ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatalaga roon.
Walang kagatul-gatol na ikinanta ni Donald Anain, kapitan ng MB Aya Express, sa harap ng mga senador na nagbibigay siya ng “pampangiti” sa mga kagawad ng Binangonan PCG para makapaglayag ang kanyang motor banca kahit siya’y walang lisensya.
Umaabot umano ang “pampangiti” sa P50 cash at saging na nagkakahalaga ng P100.
Tugon ito ni Anain sa tanong ni Senador Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senate Committees of Public Service and National Defense and Security, “Limang bangka sunod-sunod na lumubog sa pagitan ng wala pang dalawang linggo! There must be something wrong. Masama panahon, pero bakit nakakalusot? Sa magkanong kadahilanan?!”
Mariing itinanggi ni PCG spokesman Rear Admiral Armand Balilo ang akusasyon ni Anain sa panayam sa media matapos ang pagdinig kaugnay sa paglubog ng MB Aya Express na ikinasawi ng 27 katao noong 27 Hulyo 2023.
“I do not think our personnel would resort to accepting bananas and P50 in exchange for favors,” giit ni Balilo.
Nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicides, at multiple injuries si Anain sa Rizal Prosecutor’s Office.
Bukod sa cash at saging, tumatanggap din umano ang PCG personnel ng tinapay, cigarettes, at alak.
“The captain denied giving liquor to our personnel. Our personnel also denied demanding any of these items. They did not receive anything,” giit naman ni Balilo.
Inamin ni PCG Commandant, Admiral Artemio Abu, sa pagdinig na may kapabayaan sa bahagi ng kanyang mga tauhan.
“The entire organization is here now, submitting ourselves to this investigation. And attendant circumstances, based on our investigation, proved that there was negligence on the part of our personnel,” sabi ni Abu.
Maliban kay Anain, inasunto rin ang PCG personnel, PO2 Jay Rivera, at ang operator ng lumubog na bangka.