Nasawi ang isang senior citizen at sugatan ang walong iba pa nang mabangga ng firetruck na rumesponde sa sunog sa Maynila kamakalawa.
Matulin ang takbo ng fire truck at hindi nakontrol ang pagmamaneho kaya natumbok ang mga taong nasa gilid ng kalsada.
Nasapol ng fire truck si Violeta Estabillo, 62 taong gulang, na binawian ng buhay sa ospital.
Tatlong menor de edad ang nasaktan aty ginagamot sa ospital.
Sa report ng Manila District Traffic Enforcement Unit, binabagtas ng fire truck ang P. Herrera 1st Street patungo sa Ilaya kung saan may sunog, nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng fire truck.
“Nailang siya doon sa isang tent na nakalagay sa may tabi ng kalsada at nawalan siya ng control dito sa manibela at naikabig niya rito sa kanan kung saan nakatayo itong mga biktima natin,” ani Maj. Philipp Ines, tagapagsalita ng Manila Police District.
Nasa kustodiya na ng Manila Traffic Section ang driver ng fire truck na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries and damage to property.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), kahit na mabilis ang takbo ng mga truck ng bumbero, prayoridad pa rin nila ang kaligtasan sa kalsada.