Bantay-saradong muli sa Kamara ang mga smugglers at hoarders na sa siyang nasa likod sa pagtaas ng mga pangunahing mga bilihin partikular na ng bigas, sibuyas at iba pang gulay.
Ang pangalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-udyok muli sa Kamara na gumamit na ng kamay na bakal upang tuluyang masugpo ang hindi matigil na smuggling at hoarding ng mga agricultural products na siyang pasakit sa sambayanang Pilipino lalo na sa mga mahihirap.
Sa kanyang talumpati sa Batasang Pambansa, sa harapan ng mga mambabatas, dating mga pangulo, hepe ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno, kanyang gabinete, at mga diplomat, nagbitiw ng matinding banta si Marcos laban sa mga smugglers at hoarders na siyang aniya “hahabulin at ihahabla” ng kanyang administrasyon.
“Bilang na ang mga araw ng mga smuggler at hoarder na yan!” banta niya. “Sadyang hindi maganda ang kanilang gawain at hindi rin ito tugma sa ating magandang layunin.”
Diin pa niya “pandaraya” ang ginagawa ng mga ito at hindi lamang mga magsasaka ang nagdurusa kundi maging ang mamimimili.
“Kaya hindi natin papayagan ang ganitong kalakaran,” dagdag niya.
Bilang pagsunod sa order ng Punong Ehukutibo, nangako ang Kamara na “dodoblehin” nito ang pagsisikap na matulungan ang Presidente na tuluyan ng mawakasan ang labis na pahirap sa mga Pilipino– ang hindi makatwirang pagtaas ng mga presyo ng bilihin– resulta ng price manipulation.
Handa muling magkasa ng imbestigasyon ang Kamara upang tuluyan ng mawakasan ito. Patuloy din nitong imo-monitor ang presyo ng bigas, gulay, karne, sibuyas, at bawang.
“Kami sa Kongreso ay tutulong sa Pangulo na itigil ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ibuhos namin ang lahat ng aming makakaya sa misyong ito,” sabi ni Speaker Martin Romualdez, pinsan ng Pangulo.
Ang interes ng mga magsasaka at ng taumbayan ang ultimong prayoridad ng Kongreso na titiyakin pa raw ang pantay na kondisyon sa pamilihan, at pagyamanin pa ang pagsasaka upang magarantiya ang seguridad sa pagkain ng bansa.
Matatandaang sa huling quarter ng 2022, naharap ang bansa sa problemang nagwasak sa bulsa ng marami– ang kakulangan sa suplay ng produktong agrikultural.
Sino bang makakalimot sa sibuyas na umabot sa P700 ang presyo kada kilo?
Ilan lang yan sa mga bumutas ng bulsa ng Pilipino na kalauna’y nag-udyok sa House Committee on Agriculture and Food na maglunsad ng motu proporio para imbestigahan kung hoarding, cartel, at smuggling nga ba ang dahilan sa likod nito.
Bagama’t natapos na ang ikasiyam na hearing nito sa imbestigasyon noong 18 May, kumpiyansa pa rin ang Kamara na handa nitong buksan ang imbestigasyon bilang follow-up at ipatawag ang mga pinaghihinalaang hoarder, smuggler, at mga pinuno ng kartel kung kinakailangan.