NAKABABAHALA ang inilabas na ulat kamakailan na lumalaki ang bilang ng mga taong sadyang iniiwasan ang mga balita gaya ng COVID-19, pananakop ng Russia sa Ukraine at ang cost-of-living crisis.
Batay sa report ng Reuters Institute for the Study of Journalism, 38% ng sumagot sa kanilang survey ay umamin na madalas nilang nilalaktawan basahin ang mga balita.
Iminungkahi ni Center for Media Freedom & Responsibility trustee Vergel Santos na upang kahit papaano ay mabago ang pag-uugali ng publiko lalo na sa pag-iwas sa balita, dapat ipaunawa sa kanila ng mga organisasyon ng media kung ano ang tunay na balita — na hindi lang ito tungkol sa pagpuna at kahirapan.
Sa panayam sa The Chiefs sa One News kamakalawa ng gabi ay iginiit ni Vergel na mahalagang ipaintindi sa masa ang wastong kahulugan ng balita, ito ang totoong pangyayari sa ating lipunan na maaaring makaapekto sa ating pamumuhay.
“So ang titingnan mo talaga yung ating politika, yung ating kultura, yung economics, yung wholesome entertainment. Yun naman talaga eh so the definition holds. Ang kailangan lang ipakita mo sa kanila kung why this will affect your life and if you kept abreast of the news, you’ll be all better off,” wika ni Vergel.
Napakahalang papel ang ginagampanan ng mainstream media sa pagbibigay sa mga mamamayan ng access sa impormasyon tungkol sa kung ano ang nangyayari sa gobyerno, pati na rin ang pagbibigay-liwanag sa katiwalian, pang-aabuso sa kapangyarihan, at iba pang uri ng maling gawain.
Nagsisilbi rin ang media bilang watchdog at isang plataporma para sa magkakaibang boses at pananaw.
Sa pamamagitan ng coverage nito sa mga debate sa pulitika, halalan, at iba pang mga pampublikong gawain, nakakatulong ang press upang matiyak na ang malawak na hanay ng mga pananaw at opinyon ay maririnig at isinasaalang-alang sa prosesong pampulitika.
Ang mainstream media ay madalas na nakikita bilang isang kritikal na nagsusuri sa kapangyarihan at nagsisilbing tagapagbantay upang panagutin ang mga halal na opisyal at iba pang mga pampublikong pigura para sa kanilang mga aksyon.
Sa pagganap sa mga naturang responsibilidad, maraming taga-media ang nagbuwis ng buhay at hanggang ngayon, ang kanilang mga naulila ay hindi pa nakakamit ang hustisya.
Hindi pa ba sapat itong mga ebidensya upang ipakita ng media ang pagmamahal sa bayan kaya’t dapat silang pagtiwalaan?