Laking pasalamat marahil ng economic managers ng administrasyon sa pagbasura ng International Criminal Court (ICC) sa apela ng Philippine government na itigil ang pag-iimbestiga sa mga naganap na patayan sa madugong Duterte drug war.
Inilabas kasi ng ICC pre-trial chamber ang desisyon sa kasagsagan ng kontrobersyal na “Love the Philippines” slogan ng Department of Tourism (DOT), bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ‘slogon’ na “Bagong Pilipinas” ng gobyerno.
Pinagpiyestahan ng mga mamamayan at may mga resolusyon na inihain sa Kongreso para imbestigahan ang mga nasabing isyu nitong nakalipas na mga araw.
Dagdag pa ang paglabas ng resulta ng Pulse Asia survey na ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang numero unong sakit ng ulo ng mga Pilipino sa buong bansa.
Dahil sa ICC decision, hindi na kailangan maglubid ng kasinungalingan ang mga propagandista ng gobyerno para pahupain ang galit ng publiko.
Limang araw mula ngayon ay ihahayag ni Marcos Jr. ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) at tiyak na tututukan iyan ng lahat dahil gusto nilang marinig kung ano ba ang ipagmamalaki niyang mga “accomplishment” sa nakaraang isang taon at ano kanyang plano sa nalalabing limang taon ng kanyang administrasyon.
Marami ang nag-aabang kung isasantabi ng administrasyon ang pagkagumon sa importasyon dahil malinaw sa naging karanasan na hindi nito napababa ang presyo, bagkus ay lalo pa ngang tumaas, lalo na ang bigas, asukal, manok, baboy, sibuyas at iba pang produktong agrikultural.
Kahit anong paglilihis, matalino na si Juan dela Cruz, alam niyang hindi puwedeng ilaman sa kumakalam na tiyan ang logo at slogan.
Malinaw na palpak ang polisiya tungkol sa liberalisasyon ng pag-aangkat ng mga produktong agrikultural kaya walang dahilan upang ituloy ito ni Marcos Jr. kung talagang may sinseridad siyang magpatupad ng pagbabago sa Pilipinas.