Isang eroplano ng Russia na pinaniniwalaang may lulan na anim na tao ang bumagsak sa bulubunduking hilagang-silangan ng Afghanistan, pahayag ng ahensya ng transportasyong panghimpapawid na Rosaviatsia kahapon.
Ang Falcon 10 ay “naglaho mula sa radar” at nawala ang komunikasyon noong Sabado ng gabi, ayon sa ahensya.
May apat na tripulante at dalawang pasaherong nakasakay sa eruplano.
Ang business jet na ginawa ng Dassault ng France noong 1978 at pagmamay-ari ng isang kumpanyang tinatawag na Athletic Group at isang pribadong indibidwal, ay lumipad sa India at patungo ng Uzbekistan at Russia.
Idinagdag ng ahensya na hinahanap na ang bumagsak na eruplano.
Sa balita ng Ria Novosti, Ruso ang dalawang pasahero at isa sa kanila ay may malubhang karamdaman habang ang isa ay ang kanyang asawa na nagbayad para sa byahe.
Isang opisyal ng pamahalaang panlalawigan sa Afghanistan ang nagsabi sa Agence France-Presse na bumaba ang sasakyang panghimpapawid sa lalawigan ng Badakhshan, na nasa hangganan ng China, Tajikistan at Pakistan.
“Nag-crash ang eroplano pero hindi pa alam ang lokasyon. Nagpadala na kami ng mga team pero hindi pa sila dumarating,” sabi ni Zabihullah Amiri, pinuno ng provincial information department.
Ang lugar ng pinagbagsakan ay mararating ng walong oras sa byahe sa kalsada mula sa kabisera ng probinsiya ng Faizabad, sabi ni Amiri.
Inihayag ng mga imbestigador ng Russia ang pagbubukas ng isang pagsisiyasat sa sanhi ng pagbagsak.