Walang naipon at investment ang Filipino-Korean singer na si Sandara Park sa dalawang dekada niyang showbiz career dahil sa pagiging maluho niya pagdating sa shopping.
Sa nakaraang appearance niya sa “Look Me Up,” sinabi ng K-Pop star na hindi siya nagkaroon ng kahit isang investment sa perang mayroon siya.
“Not a single investment, I don’t even save. I should now,” anang 38-anyos na singer.
Dagdag pa niya, malaki rin ang kinikita niya sa mga ginagawang advertisements bunsod ng kasikatang tinatamasa niya sa buong Southeast Asia, pero hindi niya nagawang makapag-invest dahil sa pagiging gastador niya.
“I was consistently making good money and people looked down on me and all back then. I was a bit angry. I want to go shopping with the money I made; however, I failed to invest, totally.”
Inamin naman niya na nagagalit siya kapag pinagdududahan siya ng mga tao kung saan siya kumikita ng pera matapos mag-disband ng kinabibilangan niyang K-Pop group na 2NE1.
“There was a lot of talk about this after we disbanded. People close to me also wondered how Dara gets her money to do so much shopping. I almost got angry… I didn’t work a lot locally but I did a lot of commercials overseas,” giit niya.
Samantala, inianunsyo ng Producer OctoArts Entertainment na pangungunahan ni Park ang nalalapit na concert ng Super Stage by K-POP sa Manila.
Inaasahang magpapakitang gilas siya sa Philippine stage kasama ang iba pang artists gaya ng MAMAMOO+, KEP1ER and LAPILLUS sa Mall of Asia (MOA) Arena sa August 11.