Suki na sa kontrobersya ang Bureau of Immigration (BI) at tila manhid na ang kawanihan sa kanilang mga kinasasangkutang isyu.
Nag-viral kamakailan ang post sa social media ng isang babaeng pasahero na hindi natuloy ang pagbabakasyon sa Taiwan dahil hiningian siya ng 10 birth certificates ng isang immigration official.
Hindi pa nabubura sa ating memorya ang Pastillas scam, ang sindikato sa BI na responsable sa pagpapasok sa bansa ng Chinese nationals na hindi na daraan sa pagbusisi ng kanilang kawanihan kapalit ng malaking halaga.
Nabisto na sa mga inilunsad na raid ng mga awtoridad sa ilang Philippine Offshore Gambling Operations (POGO) hubs na ang ilan sa kanilang workers ay pugante sa kanilang bansa.
Ibig sabihin, ginagawang kuta ng mga dayuhang kriminal ang Pilipinas at imposibleng hindi sila dumaan sa BI counter sa NAIA bago makapasok sa ating bansa.
Kaya marami tayong kababayan na nanggagalaiti sa galit sa BI personnel ay sa dahilang napakahigpit nila sa kanilang mga kababayan na gustong lumabas ng bansa pero ang mga dayuhang kriminal ay malayang nakakapasok sa Pilipinas.
Hindi na pala tayo dapat magulat dahil may isa palang opisyal ng BI ang nagsumite umano ng pekeng clearance mula sa isang ahensya para mailagay sa isang juicy position.
Mahihiya raw ang mga operator sa Recto Ave. sa lakas ng loob ng government official na ito para magpagawa ng pekeng clearance na isinumite sa Malacanang.
Respondent umano sa isang reklamo na may kaugnayan sa human smuggling ang naturang opisyal pero nabigyan siya ng clearance.
Nagulat daw ang complainant laban sa opisyal na nakasungkit ito ng clearance gayong dinidinig pa ang inihain niyang reklamo laban sa kanya
May conflict of interest din umano ang opisyal kasi dati pala siyang may-ari ng travel agency.
Hindi natin maintindihan kung ang intelligence community ay natutulog sa pansitan.
Trabaho kasi nila ang I-background check ang mga opisyal ng gobyerno.
Mas makabubuti kung sariling bakuran muna ang walisin ng BI at isantabi muna ang mga pahayag sa media na naglilinis sa kanilang hanay.