Hindi pa man natatapos ang coronavirus disease pandemic ay heto na naman at isa na namang problema ang hinaharap ngayon ng lokal na pamahalaan ng Quezon City dahil nakapagtala ito ng 176 porsiyentong pagtaas ng mga kaso ng dengue sa unang apat na buwan ng 2023.
Ayon kay Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit head Dr. Rolly Cruz, may 690 kaso na ng dengue na naitala sa Quezon City mula nitong Enero hanggang Abril. Nasa 19 ng mga kasong ito ang naiulat kamakailan lang at isang kaso na rin ng pagkamatay dahil sa dengue ang naitala.
Dagdag pa niya, pitong barangay sa Quezon City ang may pinakamarami umanong kaso ng dengue – ang Tatalon, Tandang Sora, Baesa, Bahay Toro, Batasan Hills, at Matandang Balara.
Mga batang nasa edad 1 hanggang 10 anyos ang madalas na nagkakaroon ng dengue at ayon kay Cruz, bagama’t wala pa sa alert and epidemic threshold ang pagtaas ng kaso ng dengue sa siyudad, binabantayan pa rin nila ito.
“Sa panahon ngayon na umuulan at umiinit, yan yung isa sa mga pinapangambahan natin, dumadami kasi iyong lamok sa mga panahong ganito,” sabi ni Cruz.
Dahil dito, nanawagan si Cruz sa mga taga-Quezon City na agad ipa-checkup sa pinakamalapit na health center o ospital ang mga batang nilalagnat ng 1 hanggang 2 araw.
Wala rin daw dapat ikabahala ang mga residente pagdating sa bayarin dahil libre ang pagpapakonsulta, pagpapa-test, at pagpapagamot sa dengue sa lahat ng mga health center at 3 pampublikong ospital sa Quezon City.
“Wala po kayong dapat ikabahala na may babayaran pa kayo. Libre po ito. Wala po kayong babayaran sa ating mga health center,” sabi ni Cruz.
Kaya panawagan natin sa publiko, kailangang panatilihing malinis ang ating kapaligiran upang maiwasan ang pagkalat pa ng ibang sakit dahil hindi pa rin naman tapos ang panganib na dala ng pandemya.