KINASUHAN na ng ‘corruption of public official o’ violation ng Article 212 ng Revised Penal Code itong pinaka-maangas na detainee o bilanggo ng National Bureau of Investigation na si Jose Adrian Dera.
Si Dera na isang ‘high profile detainee’ ng NBI ay nakakulong roon dahil inakusahan siyang kasabwat ni dating Senadora Leila de Lima na kinasuhan naman nang pakikipagsabwatan sa pagpasok ng droga sa Bilibid.
Bakit corruption of public official naman ka ‘nyo ang kaso nitong si Dera? Wala lang. Nakalabas lang naman siya ng NBI detention. Alam niyo ba kung saan siya nagpunta? Wala lang. Nakipag-date lang naman sa kanyang girlfriend. Saan? Sa isang sikat na ‘buffet restaurant’ sa Makati. At napag-alaman pa na nakagala sa Tagaytay, Subic at Calatagan sila Dera. Nang magbalik sa NBI, si Dera ay nahulihan lang naman ng baril at malaking halaga ng salapi.
Sabi ng kanyang mga abogado, si Dera ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan kaya siya ay nagpaalam na makalabas ng bilangguan. At ang baril at salapi ay hindi sa kanya, kundi sa kanyang mga kakosa na nagpabili raw ng pagkain sa bilanggo. Tanong. Bakit wala man lamang siyang dalang mga grocery items nang siya ay bumalik?
Ano mang dahilan ang nasa likuran ng pangyayaring ito, ang mga kinauukulan na, na nagiimbestiga ang magsasabi sa atin.
Ang isang tiyak dito ay malaking kalokohan ito at tila ang gustong mangyari ay mapahamak si NBI Director Medardo G. de Lemos.
Naging maagap naman kasi ang mga nagnanais na mabahiran ng putik ang butihing imahe ni De Lemos. May naglutangang mga lathalain na ang kalokohang ginawa ni Dera ay dapat ikatanggal ni De Lemos sa Bureau. May mga humihingi ng ulo ni De Lemos, pero bilang presidential appointee, he serves at the pleasure of the President.
Mananatili pa rin si De Lemos sa posisyon dahil pinagkatiwalaan siya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.