TRENDING sa Twitter nitong weekend ang mga impormasyon na nag-akusa kay film director at Presidential Adviser for Creative Communications Paul Soriano na nakisawsaw sa produksyon ng kontrobersyal na “Love the Philippines” video ng Department of Tourism (DOT).
“DDB presented a storyboard. When it was approved, Paul Soriano was suddenly involved [and] he had a production house that he wanted to use,” sabi sa viral message hinggil sa presentasyon ng advertising agency.
“The creative director and Paul fought about it and the creative direction. So[,] another DDB creative director was asked to take over. But turns out DOT/Paul had already shot and edited the material without the agency,” sabi pa sa viral message.
Sa isang ulat ng Business Mirror noong May 12, 2023, ang DDB Philippines ang naglagay ng anunsyo sa ibang bansa para sa Office of the Presidential Adviser on Creative Communications’ country branding campaign na,, “We give the world our best. The Philippines.”
Umani rin ng batikos ang naturang anunsyo dahil sa halip na magagandang tanawin ang ilako sa mga turista, ang husay ng Pinoy health care workers ang itinampok.
Noon pa raw 2012 ay nagsama na ang DDB Philippines at si Soriano nang idirek niya ang isang commercial para sa Duty Free Philippines
Matatandaang noong Pebrero 14,2023 ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 16 na nagtakda ng reorganisasyon ng Presidential Communications Office (PCO) at nakasaad dito ang kautusan na makipagtulungan ng husto ang kagawaran kay Presidential Adviser for Creative Communications Paul Soriano “on matters relating to communications and information dissemination.”
Nakabibingi ang katahimikan ng Palasyo, partikular ng PCO, kaugnay sa pagdawit kay Soriano sa aberya ng “Love the Philippines.”
Hindi naman masama ang umamin sa isang pagkakamali lalo na’t hindi ito sinadya.
Ang hindi maganda ay ang pagbabalewala sa interes ng publiko lalo na’t ang kahihiyang idinulot ng isyung ito’y nakapinsala sa ating bansa.
Kung tutuusin, pangatlong alingasngas na iyan para kay Soriano sa loob ng isang taon ng administrasyon.
Una ay ang paglalako sa health care workers sa “We give the world our best. The Philippines.”
Pangalawa ay nang magtaray siya sa entertainment media sa presscon ng Holywood actress na si Vanessa Hudgens at sumigaw ng,” Get the press out of here. I don’t need them.”
Ipinatigil daw ni Soriano ang mga one-on-one interview kay Hudgens matapos makapanayam na ito ng ABS-CBN, GMA7 at TV5.
Hangad ng ilang observers na ang “Love the Philippines” controversy ang huling kasasangkutan ng tinagurian nilang “El Sawsawero.”
Kung hindi nga naman makakatulong ay manahimik na lang sana sa isang sulok.