MAGSILBING wake-up call sa pamunuan ng University of the Philippines (UP) Diliman pag-aralan ang kanilang mga patakaran hinggil sa seguridad at kaligtasan, pati ang koordinasyon nito sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies..
Pahayag ito ni Commission on Higher Education (CHED) chairman Prospero de Vera III matapos kompirmahin na isang babaeng UP student ang hinalay sa Ylanan Road sa loob ng Diliman Campus noong Sabado ng alas-onse ng gabi at pinaghahanap pa ang suspect.
“This despicable criminal act is a wake up call for the University of the Philippines to review and rationalize its security and safety policies, including its operational engagement with the Philippine National Police and other law enforcement agencies in order to make the UP Community safe and secure,” ani De Vera sa isang statement.
Sinabi ng UP administration sa isang kalatas na nakikipagtulungan na sila sa mga pulis para kagyat na madakip ang suspect habang tinututukan ang lahat ng pangangailangan ng biktima.
“Everyone is reminded to stay vigilant and report anything suspicious to the UPDP,” anang UPD statement kasabay ng pagtiyak na nagpakalat na sila ng dagdag na security personnel na naglilibot sa buong campus.
Matatandaang pinawalang-bisa noong Enero 2021 ni noo’y Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kasunduan sa pagitan ng UP at ng Department of National Defense (DND) na nagbabawal sa mga pulis at militar na pumasok sa campus ng walang pahintulot sa administrasyon ng pamantasan.
Noong nakaraang buwan ay tiniyak ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na wala siyang balak na ibalik ang UP-DND accord.