Kahit nagluwag na ang mga restrictions na ipinatutupad ng pamahalaan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), hindi pa rin dapat makampante ang ating mga kababayan dahil marami pa ring naitatalang mga kaso nitong mga nakaraang araw.
Bukod sa mga kababayan nating senior citizens, ang mga mayroong comorbidity ang siyang pangunahing nahahawa ng nakamamatay na sakit na ito, kaya naman ang mga health experts ay patuloy na nananawagan na mag-ingat ang mga ito sa sakit.
Ayon kay Dr. Rose Marie Liquete, executive director ng National Kidney and Transplant Institute, tumaas ang bilang ng kanilang pasyenteng may sakit sa bato na positibo sa COVID-19.
Dagdag niya, bagama’t mild lamang ang kaso ng karamihan, moderate ang kaso ng mga may comorbidity at mayroong kailangang i-admit sa ospital.
Kung hindi na sapat ang kanilang COVID-19 isolation room dahil nire-rehabilitate ang isang COVID-19 unit at kulang ang nars, nililipat aniya ang ilang pasyente sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital na marami rin aniyang dialysis machines.
“Ang COVID-19 namin ay tumaas but these are mainly patients na vulnerable who have kidney diseases. Mild naman ang karamihan but you know medyo may comorbidities ka, so some of these are actually moderate sila,” sabi ni Liquete.
“We have cases sa itaas, sa aming isolation but these rooms are not enough for them so we have them stay in the emergency room… but we have contact with Jose Rodriguez where we can also transfer some of these patients,” dagdag niya.
“Hindi ko naman masasabing alarming pero ang vulnerable namin ang natatamaan, ‘yung may mga kidney diseases ang natatamaan. So maybe [if] we are all strong naman in our immune system, hindi naman tayo tatamaan. So it’s not that alarming. Ang akin lamang is for our patients na with kidney problem or may comorbidities, mag-ingat lamang dahil baka sa kanila hindi lang mild, that they really need admission to the hospital,” sabi pa niya.
Kaya paalala sa ating mga kababayan, lalo na sa mga mahihina ang katawan, na patuloy pa ring sundin ang mga health at safety protocols na inilatag ng pamahalaan upang masigurong hindi na magkaroon ng surge ng COVID-19 cases.