Nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang isang lalaking nagnakaw umano ng isang mamahaling speaker sa isang bahay na pinasok nito sa La Loma, Quezon City nitong nakaraang Lunes.
Ayon sa pulisya, ang lalaki umano ay miyembro ng Akyat-Bahay na labas-masok sa kulungan.
Lumalabas sa imbestigasyon na naaktuhan umano ng may-ari ng bahay ang suspek habang ninakaw umano ang kanyang mga gamit sa bahay sa Barangay San Jose, La Loma.
Nang makita ang may-ari, agad tumakas ang suspek bitbit ang isang mamahaling speaker na nagkakahalaga ng P18,000 na agad namang hinabol ng may-ari.
Pero habang tumatakas, minalas ang suspek dahil nakasalubong nito ang mga pulis na nagpapatrol sa lugar na siya niyang ikinadakip.
Narekober mula sa suspek ang tinangay na speaker.
Samantala, patay ang isang lalaki matapos saksakin ng kapitbahay na nag-amok sa Sta. Cruz, Maynila.
Walang nakikitang ibang motibo ang mga awtoridad maliban sa langong lango sa alak ang suspek kaya ito nag-amok. Nahuli naman ang suspek pero nakipaghabulan pa muna ito sa mga pulis.
Bago mangyari ang insidente, nakuhanan ng CCTV ang suspek na tumatakbo palabas ng isang eskinita sa Barangay 364, Sta. Cruz, Maynila. Pumunta ito sa kabilang bahagi ng lugar.
Maya-maya pa’y lumabas ang isang lalaking buhat-buhat ang biktima na sinaksak umano ng suspek.
Agad rumesponde ang mga pulis na nasa kalapit na barangay na hinabol pa ang suspek bago ito nahuli.
Base sa imbestigasyon ng Sta. Cruz Police Station, nakasalubong lang ng suspek ang biktima na noon ay nakikipag-inuman nang bigla itong saksakin sa likod. Dead on arrival sa ospital ang biktima.
Inamin naman ng suspek ang nagawang krimen pero nangatwiran na inunahan lang niya ang biktima na inakala niyang siya’y sasaktan.