Iniulat ng mga otoridad na isang transwoman ang nasugatan makaraang bugbugin ng ilang mga miyembro umano ng LGBTQIA+ sa San Fernando, Pampanga at ayon sa ulat, nagsimula ang kaguluhan sa gitna ng kumpulan ng isang grupo sa isang kalsada sa lungsod ng San Fernando.
Sa kuha ng CCTV, maririnig umano ang sigawan na tila ba umanong may sinasaktan at napag-alaman ngang isang transwoman ang pinagtutulungang sakatan ng ilang miyembro rin ng LGBTQIA+ community.
Kinilala ang biktima na itinago sa pangalang Kath Marie, na nagtamo ng sugat matapos pukpukin sa ulo at saksakin ng basag na bote ng mga nakaalitan.
Nasa ICU ng isang ospital ang biktima ayon sa ulat.
“Meron tayong na-identify na dalawa na suspek sa insidente, at sa susunod na mga araw ay magkakaroon pa ng mga identification ng ibang mga na-involve dito,” pahayag ni Police Lt. Col. Preston Bagangan, hepe ng San Fernando City Police Station.
Natukoy na ng mga pulis ang hindi bababa sa limang suspek.
Samantala, sugatan ang isang babae matapos siyang mabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa Mangaldan, Pangasinan.
Makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Salay ang kambal na babae na tumawid sa pedestrian lane pero bago pa makatawid ang isa sa kambal, sumulpot ang motorsiklo at nahagip ang biktima.
Sugatan ang biktima at dinala sa ospital. Inako naman umano ng rider ang gastusin sa pagpapagamot sa biktima.
Paalala ni Franklin Campued, chairman ng Barangay Salay, sa mga motorista, magmenor o bagalan ang takbo kapag may nakitang pedestrian lane.