Bagama’t nakawala na sa kaguluhan sa Sudan ang ilang mga Pinoy na naroon, panibagong hirap naman ang kanilang nararanasa matapos nilang makarating sa border ng Egypt dahil bukod sa gutom, sa gilid ng kalye umano natulog ang mga Pinoy dahil walang dumating na tauhan ng embahada ng Pilipinas na aalalay sa kanila.
Ayon sa mga ulat, sinabing ang 51 Filipino na nakarating sa border ng Egypt ay ang unang batch ng mga Pinoy na inanunsyo ng Department of Foreign Affairs na nailikas na mula sa Khartoum, Sudan, na matindi ang bakbakan ng magkalabang grupo ng militar at paramilitary.
Pero reklamo ng mga Pinoy na karamihan ay estudyante ng Islamic studies, walang taga-embahada ng Pilipinas na sumalubong at umalalay sa kanila pagdating nila sa Alqin, Egypt, na tatlong araw nilang nilakbay sakay ng bus.
Ang embahada ng Pilipinas sa Egypt ang nakasasakop sa Sudan.
Kailangan ang tauhan ng embahada sa pagsalubong sa mga Pinoy na mula sa Sudan, upang payagan silang makapasok sa Egypt.
Isang Honorary Consul umano ang dumating sa lugar na isang Egyptian pero umalis din at iniwan umano ang mga Pinoy.
Dahil sa nangyari, sa gilid na lang umano ng kalsada natulog ang mga Pinoy na walang kain at halos walang mainom na tubig.
Sa ngayon, mayroon pa umanong 300 Pinoy na bumibiyahe patungo sa border ng Egypt. Ang Sudanese na Philippine Honorary Consul umano sa Khartoum ang nag-asikaso sa mga masasakyan ng mga ito.
Sinabi umano ng Philippine Embassy sa Cairo na nakausap na nila ang Egyptian Ministry of Foreign Affairs para payagang makapasok sa Egypt ang lumikas na mga Pinoy.
Patungo na raw sana sa border si Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago pero naaksidente ang kaniyang sinasakyan kaya bumalik ito sa Cairo.
Pero lilipad daw ang opisyal patungo sa border para asikasuhin ang mga Pinoy.
Patungo na rin umano si Cairo si Migrant Workers Secretary Susan Ople para tumulong sa paglikas sa mga Filipino.
Umaasa ang mga Pinoy na nakaalis na sa Sudan na magiging mabilis ang aksiyon ng pamahalaan ng Pilipinas para tulungan sila.