Ngayong summer season ay talagang hindi na magkamayaw ang ating mga kababayan kung paano iibsan ang nararamdamang sobrang init lalo na kung tanghaling tapat dahil ayon sa mga ulat, pumapalo na minsan sa 40 degrees Celsius ang nararamdamang init sa bansa.
Bukod sa mga magsasaka, mangingisda at mga ordinaryong trabahador na palagiang nakabilad sa init, apektado na rin ng sobrang init ang mga estudyante sa bansa at kamakailan nga ay mga balitang lumabas na hinihimatay na ang ilang estudyante sa sobrang init.
Kaya naman may mga nagsasabing ibalik na lamang muna sa hybrid learning o online learning ang ginagawang pag-aaral ng mga kabataan upang masigurong hindi sila mahi-heat stroke.
Pero tinutulan naman ng National Parent Teacher Association Philippines sa pagbabalik ng opsyon ng modular classes dahil sa matinding epekto ng init sa mga paaralan.
Kasunod ito ng memorandum ng Department of Education (DepEd) na pinapayagang magsuspinde ng face-to-face classes sa mga paaralan at magpatupad muna ng modular learning dahil sa init ng panahon.
Ayon kay NPTAP internal vice president Lito Senieto, dapat gumawa ng hakbang ang gobyerno para hindi na kailanganin pang suspendihin ang in-person classes kahit mainit ang panahon.
Magsilbi sanang aral aniya ang epekto ng online at modular classes noong lockdown, kung saan bumaba ang kalidad ng edukasyon sa bansa, dahil na rin hindi natutukan sa pagtuturo ang mga mag-aaral.
“Bumaba ang kalidad ng edukasyon natin, pagbabasa. Bumaba na, lalong bumaba pa nitong pandemic. So, yun ang mahirap kasi, walang face-to-face eh na klase,” sabi ni Senieto.
“Pag-aralan muna ulit kasi ito naman pagdadaanan natin itong April eh. Pero pagdating ng Mayo, start na ng tag-ulan ang May, June. Tag-ulan na yan eh. So yun ang isa na factor na tinitingnan natin, na sana naman pag-isipan nang mabuti na we go back to modular,” dagdag niya.
Pinauubaya naman ng Department of Education (DepEd) sa mga school head ang alternative delivery mode na naaayon sa kanilang mga sitwasyon ngayong mainit ang panahon.
Sa ganang amin, mukhang hindi naman dapat tutulan ang panukalang ibalik muna sa hybrid o online ang pag-aaral ng mga kabataan dahil bagama’t mahalaga sa atin ang edukasyon, mas mahalaga pa rin ang buhay at kalusugan ng ating mga kabataan.