May mga kumakalat ngayong mga balita na aalisin na umano sa Kapamilya na “Batang Quiapo” ang sikat na content creator na si Toni Fowler dahil umano sa kontrobersyal na “MPL” music video ng vlogger na naging hot topic sa social media at ng ilang Marites dahil sa umano’y malaswang content nito.
Nitong nakaraan ay binigyan ng warning ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) chairperson Lala Sotto si Toni Fowler dahil nga sa nasabing video at ayon kay Sotto ay hindi dapat gamitin ng YouTuber at ng mga kasamahan nito ang “SPG” rating ng MTRCB dahil hindi umano itong dumaan sa nasabing ahensiya.
Nauna nang sinabi ng Team Fowler na ang “MPL” music video ay restricted at hindi para sa general o universal audience.
Sa inilabas niyang TikTok video, ipinagdiinan ni Toni na walang katotohanan ang tsismis at pinaalalahanan pa ang kanyang mga tagasuporta na huwag basta maniniwala sa mga fake news.
“To answer your question, hindi po ako natanggal sa ‘Batang Quiapo.’ Alam niyo ang daming nag-iisyu na natanggal daw po ako kesyo hindi na po ako napapanood,” sabi ni Toni.
“Pero sa totoo lang, ishi-share ko rin sa iyo ang thought ni Mommy Oni, sa totoo lang in-expect ko talaga na after ng ‘MPL’ ay matatanggal ako. Kumbaga bahala na. Pero hindi naman po ako natanggal dahil hindi naman po ako sa TV kumanta noon. So malayong-malayo po. Nasa ibang platform po ako which is doon sa restricted adults only. At alam niyo naman ang TV ay hindi po para sa contents ko na ganoon,” dagdag pa niya.