Nawalan ng kuryente sa buong isla ng Panay nitong Martes dahil sa umano’y aberya at maintenance shutdown ng mga power plant. Hanggang kahapon ay hindi pa naibabalik ang kuryente sa buong isla at may manakanakang brownout sa iba-ibang lungsod doon dahil kulang pa ang kuryenteng nalilikha ng mga planta.
Tinatayang 400 megawatts ang nagagamit na kuryente sa buong Panay kada araw. Pinagtutulungan ng ilang power generator na makalikha ng ganito kalaking kapasidad upang maibalik sa normal ang kasapatan ng kuryente para sa pag-iilaw ng mga kabahayan at mga negosyo. Bagaman kaya may kapasidad ang mga planta na higit sa 600 MW, hindi ito palagi dahil sa kinakailangang maintenance shutdown.
Malaking perwisyo sa mga mamamayan ang outage at paulit-ulit na brownout na hindi sana nangyari kung masusing pagpaplano ang ginawa ng mga planta upang maiwasan ang malaking kabawasan ng kapasidad na maaaring magdulot ng tripping o pagpatay sa daloy ng kuryente.
Nais imbestigahan ng Kongreso ang nangyari sa Panay upang matukoy ang may responsibilidad sa insidente at maiwasang maulit ang malawakang brownout.
Kung hindi maaasahan ang mga planta na siguruhing makapagbigay ng sapat at tuloy-tuloy na kuryente, marahil ay makakatulong ang pagpapatayo ng dambulang solar farm sa Panay katulad ng itinatayo ng SP New Energy Corporation sa 3,500 ektaryang lupain sa bahagi ng Bulacan at Nueva Ecija. Ang nasabing proyektong Terra Solar sa bayan ng Penaranda ay iniulat na pinakamalaki sa buong mundo dahil sa lilikhaing kapasidad nito na 5 bilyong kilowatthour kada taon, ayon sa ulat ng ABS-CBN.
Ang Bhadla Solar Park ng India, ang kasalukuyang pinakamalaking solar farm sa mundo, ay may kapasidad na 2.2 gigawatt
Mayroong mahigit 5,000 solar panel at nagkakahalaga ng P200 bilyon, inaasahan na magsisimula ang Terra Solar park ng operasyon sa susunod na taon.
At upang mas sigurado ang supply ng kuryente sa bawat bahay at negosyo sa Panay o sa buong bansa, marahil ay lumikha na lamang ng sariling kuryente ang mga mamamayan sa pamamagitan ng paglalagay ng solar panel sa kanilang bubong. Marami na ang gumagawa nito para magkakuryente nang hindi galing sa mga kooperatiba o lokal na tagapamahagi ng kuryente kaya maaaring gayahin ito ng iba. Kailangan nga lamang ng disiplina sa pagpapanatili ng ganitong maselang makina upang maasahan itong gumagana palagi.