Nasa bansa na ang siyam na overseas Filipino workers na nagmula sa bansang Lebanon na naipit umano sa nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng Israel at teroristang grupong Hamas.
Ligtas na nakalapag ang commercial flight na sinakyan ng mga Pinoy repatriates sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 na sinalubong ng mga kinatawan ng ibat ibang ahensiya ng pamahalaan.
Nanguna sa mga sumalubong sa kanila si Department of Migrant Workers Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac.
Sa ngayon ay mayroon nang 19 Lebanon-based overseas Filipinos ang nakabalik sa Pilipinas simula nang buksan ng pamahalaan pagpapauwi sa mga ito, dahil sa pinangangambahan noon na spillover ng Israel-Hamas war sa Lebanon.
Patuloy pa rin ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga OFWs na una na ring naghayag ng interes na bumalik na sa Pilipinas.
Samantala, tiniyak ni Cacdac ang naghihintay na tulong para sa mga repatriated OFWs.