Kalaboso ang bagsak ng dalawang Chinese national at isang Pilipina na nagpapatakbo umano ng isang prostitution den sa Pasay City.
Batay sa mga ulat, sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang isang condominium unit sa Pasay matapos nadiskubre ng Department of Information and Communications Technology-Cybercrime Investigation and Coordination Center ng ang umano’y illegal na kalakaran sa lugar.
Sinabi sa imbestigasyon na inilalako raw sa isang online messaging application ang ilang babae para magbigay-aliw sa mga kustomer.
“There were some reports kasi of a lot of text blasting coming from this area. Hinanap natin kung nasaan, dito natin nakita ‘yan,” sabi ni Assistant Secretary Mary Rose Magsaysay, Deputy Executive Director, DICT-CICC.
Mula P4,000 hanggang P16,000 ang ibinabayad sa mga babae.
Na-rescue ng mga otoridad ang 13 Pilipina mula sa condo kung saan sila naka-stay-in.
“As part of the evidence na gagamitin natin dito, of course ‘yung mga transaction na nakuha natin, and then ‘yung mga usapan sa mga chat groups nila. Almost 100 percent ng mga nagca-cater dito sa prostitution den na ito ay karamihan Chinese,” saad ni PAOCC executive director Gilbert Cruz.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking in Persons Act of 2003 ang dalawang Chinese nationals kasama ang isang Pinay na nagsilbing bugaw.