Kakaiba ang huling balita ng pinaslang na brodkaster na si Juan Jumalon. Mismong ang pagpatay sa kanya sa sarili niyang radio station ang nai-broadcast niya at live pa sa buong mundo. Hindi naman ito katakataka dahil sa teknolohiya at social media ngayon.
Ang 43-anyos na biktima, na kilala bilang si DJ Jonny Walker, ay nagla-livestream ng kanyang komentaryo sa programang “Pa-hapyod sa Kabuntagon” sa kanyang pag-aaring radio channel, 94.7 Calamba Gold FM, umaga nitong Linggo nang barilin siya sa bunganga ng hitman na nakapasok sa kanyang bahay.
Si Jumalon ang ikaapat na mamamahayag na namatay sa administrasyong Marcos, patunay na nananatiling pinakadelikadong bansa ang Pilipinas para sa mga mamamahayag. Ang kanyang kamatayan ay kauna-unahan ring pagpaslang sa isang nagwo-work from home dahil ang istasyon niya ay nasa sariling bahay niya sa Purok-6, Barangay Don Bernardo A. Neri, Calamba, Misamis Occidental. Pahiwatig ito na may kaakibat na panganib ang pagtatrabaho sa bahay.
Nakakakilabot mang makita ang pagbaril kay Jumalon, may mas nakakagimbal pa rito.
Sinabi ng pamahalaang Israel na may mga photohournalist ng kilalang mga nagbabalita katulad ng CNN, Reuters, Associated Press at New York Times ay kasabwat ng mga teroristang Hamas sa pagmasaker sa 1,400 sibilyang Hudyo at pagdukot ng 240 Israeli noong Oktubre 7.
Ang paratang ay batay sa pagbabalita ng mga nasabing mamamahayag sa malagim na huramentado ng mga Palestinong taga-Gaza.
Isa sa mga mamamahayag na pinaratangang terorista ay si Hassan Eslaiah na nag-video sa isang tangkeng nasusunog at sinisira ng mga terorista. Inilabas pa niya umano ang mga kuha niyang litrato at video sa social media.
Ayon sa CNN, tinanggal na nila ang freelancer na si Eslaiah dahil sa paratang at isang litrato niya na hinahalikan siya ng lider ng Hamas na si Yahya Sinwar.
May mga iba pang mga photojournalist na kumuha ng litrato ng masaker at ibigay ang mga ito sa mga nasabing media.
Ayon kay Benny Gantz, isang miyembro ng war cabinet ng Israel, ang mga mamamahayag na alam ang pag-atake ng Hamas subalit nanahimik at kumuha ng litrato ng masaker ay hindi iba sa mga terorista.
Pinabulaanan naman ng AP at Reuters na alam nito ang atake ng Hamas bago ito nangyari. Ang mga litratong inilabas nito na galing sa mga pinaghihinalaang mamamahayag ng Hamas ay kuha mahigit isang oras matapos magsimula ang terorismo ng Hamas.
Wala pang pahayag mula sa mga pinaghihinalaang mamamahayag na kasabwat umano ng Hamas. Ngunit kung totoo ang mga paratang ng Israel, unang pagkakataon na magkakaroon ng mga tinatawag na teroristang mamamahayag at bilang kasabwat ng Hamas ay tutugisin sila ng Israel.
Maaari ring paghinalaan ang ibang mamamahayag, lalo na iyong mga nagbabalita ng digmaan ng Israel at Hamas sa Gaza, na kasabwat ng mga terorista o pumapanig sa Hamas.