Nababahala ngayon ang Commission on Audit sa nadiskubre nitong libo-libong mga tablet na hindi pa umano naipapamahagi ng Department of Information and Communication Technology.
Ayon sa CoA, ang mga gadgets ay donasyon umano ng United Nations Development Program noon pang nakalipas na taon at bahagi sana ito ng tulong ng UN para sa Covid-19 Vaccination Program ng pamahalaan kung saan ay magagamit ang mga naturang gadget sa implementasyon ng Vaccine Information Management System o pagmonitor sa progreso ng pagbabakuna.
Kabuuang 4,000 tablets ang naging donasyon noon ng UN.
Gayunpaman, natuklasan ng CoA na 17 percent lamang ang naipapamahagi hanggang sa ngayon kung saan ang natitirang 83 percent o katumbas ng 3,304 tablets ay nananatiling naka-imbak.
Sa kasalukuyan, wala pang natukoy ang DICT na benepisyaryo para sa mga natitirang tablet ngunit una na ring nakapaglatag ang ahensiya ng mga share sa bawat rehiyon.
Sa naunang plano ng DICT, ang Cagayan Valley ang makakatanggap ng pinakamlaking bilang na 505 at sinundan ito ng Bicol Region na may 478.
Bahagi ng audit report ng CoA ay ang umano’y dahilan ng DICT kung bakit naantala ang distribusyon.
Samantala, nilinaw naman ng DICT na ang mga naturang kagamitan ay naideliver pa noong 2022 at hindi pa nagagamit habang nasa bodega at nagkakahalaga ang mga tablet ng kabuuang P60.39 million.