Ngayong itinuturing na tagumpay ang gobyerno sa pagpapatupad ng Executive Order para pansamantalang mapahinto ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa, dapat siguro’y huwag tumigil ang gobyerno sa paghahabol at paghuli sa mga hoarders na dahilan ng naturang krisis.
Kahapon ay sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual na kahit ilang araw pa lamang na naipatutupad ang price cap sa mga presyo ng premium well-milled at well-milled rice, nagkaroon ng remedyo ang mataas na presyo ng bigas at nagkaroon ng pagkakataon ang mga consumers na makabili ng mas murang bigas para ihain sa kanilang mga hapag-kainan.
Sinabi rin niyang malapit na ring makadama ng ginhawa ang mas nakakaraming knsyumer dahil magtutuloy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng bigas dahil anihan na sa mga rice producing regions dalawang linggo mula ngayon.
Bukod pa rito, siniguro rin ng Department of Agriculture na magkakaroon ng sapat na supply ng bigas ang bansa dahil nasa dalawang milyong metrikong toneladang bigas ang mapo-produce ng harvest season, na magtutuloy-tuloy hanggang sa katapusan ng taon.
Magiging dahilan ito para maagang maalis ang price cap, na itnuturing namang problema para sa maliliit na rice retailers
Malinaw na walang shortage.
Pero bakit nga ba tila nagkulang ang supply? Ito ay dahil sa kagagawan ng mga hoarders, sangkot ang mga walang pusong traders na nais kumita ng mas malaki at manlamang sa mas nakararami.
Itinatago nito ang mga supply ng bigas para magkaroon ng kakulangan, dahilan naman para tumaas ang presyo ng mga ito sa pamilihan.
Tila isang hamon ito sa Bureau of Customs, Philippine National Police at ilan pang law enforcement units ng bansa para gawin ang kanilang mandatong habulin ang mga walang pusong hoarders.
Napatunayan ito sa mga nakaraang raid kung saan daan-daang milyong halaga ng mga bigas ang nakitang nakaimbak lamang sa mga warehouses sa Bulacan.
Siniguro naman ni Secretary Pascual na hindi natatapos sa price cap ang kanilang magiging aksyon upang mapanigurong may mura at maayos na supply ng bigas ang bansa.
Nawa’y patuloy sila sa kanilang pagbabantay at pag-aksyon, dahil maraming pamilya ang tiyak na magugutom sakaling hindi na nila maabot ang presyo ng bigas na kanilang isasaing.