INAMIN ni Philippine National Police (PNP) cghief Benjamin Acorda Jr. na may 24 na pulis sa buong bansa ang nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga mula noong Enero 2023, sabi ng Philippine National Police kahapon.
Ilang observers ang nagpahayag na bigo ang kampanya kontra illegal drugs ng PNP dahil mismong hanay nila ay apektado na ng ipinagbabawal na gamot.
“Meron pang ibang personnel na nagpositibo at para sa mga detalye ay nandito ang director ng Forensic Group sa amin pero I would like to say this is a continuing activity to make sure that our personnel our constantly checked and also to give warning to our personnel. para maiwasan talaga ang ganitong maling gawain,” sabi ni PNP Acorda sa mga mamamahayag sa press briefing na ginanap sa Camp Crame noong Lunes.
Sa 24 na pulis, si Col. Cesar Gerente ay na-relieve na chief of police ng Mandaluyong City Police Office matapos magbunga ng positibong resulta sa random drug test sa mga matataas na opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kasama ang iba pang commander at chief ng iba’t ibang opisina at support unit noong 24 Agosto.
Noong Oktubre 2022 ay nadiskubre sa pag-iingat ni Sgt. Rodolfo Mayo ang isang toneladang shabu at ilang matataas na opisyal ng PNP ang kinasuhan bilang kanyang mga kasabwat.
Sinabi ni PNP Forensic Group Director Brigadier General Constancio Chinayog Jr., sa mahigit 115,000 police personnel mula sa lahat ng tanggapan ng PNP sa buong bansa na sumailalim sa random drug test, 24 na pulis ang nagbunga ng positibong resulta kapwa sa unang screening at confirmatory test.