Bilang Department of Agriculture chief, nakikita nating dapat na talagang pumagitna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at makialam sa problema ng magsasaka ng palay sa bansa at bilhin na lang ng rekta ang mga inaning palay ng mga magsasaka at nang hindi na dumaan pa sa mga middlemen sa gitna ng mataas na presyo ng bigas sa Pilipinas.
Kahit nagpalabas ng price cap sa presyo ng bigas si Marcos Jr. sa pamamagitan ng Executive Order 39, nakikita ng ilang mga farmers group na isa lamang itong band-aid solution o pansamantalang solusyon sa problema ng mga magsasaka ng bigas.
Ayon kay, Raul Montemayor, presidente ng Federation of Free Farmers, ang EO 39 ni Marcos ay magpapababa sa bentahan ng palay sa pagitan ng magsasaka at traders.
Sinabi ni Montemayor na umaangal na ang ilang magsasaka sa Pampanga at Sultan Kudarat dahil P3 kada kilo na lamang umano ang bentahan ng palay doon, lubhang napakalayo sa presyo ng palay sa P25 sa Nueva Ecija; P24 sa Bataan; at P23 sa Bulacan base sa datos ng PhilRice-Philippine Rice Information System (Prism).
Magsasaka na naman ang maaapektuhan na dapat tinutulungan.
Siguro naman ay kaya ni Pangulong Marcos Jr na iutos na alisin na ang mga middlemen sa bentahan ng palay at bigas dahil lugmok na lugmok na ang kalagayan ating mga magsasaka.
Bagkus, dapat ay direkta nang bilhin ng gobyerno ang inaning palay ng mga magsasaka para masigurong tama ang timbang at presyo, nang sa ganun ay hindi sila nalalamangan.
Bukod pa rito, malamang na babawiin din ng mga traders ang kanilang kalugihan sa ipinatupad na price cap ng gobyerno sakaling mapaso ang EO 39 dahil hindi naman ito pangmatagalang solusyon ayon na rin sa Department of Trade and Industry at National Economic and Development Authority.
Ang price cap ay ang pagpapanatili ng P41 na presyo kada kilo ng regular milled rice, habang P45 per kilo naman sa well-milled rice, at magsisimula ang implementasyon nito ngayong araw, 5 Setyembre.
Salamat na rin na sa pamamagitan ng panandaliang solusyon na ito ay nagpaabot naman ng kahandaang tumulong ang gobyerno sa mga maaapektuhang traders dahil ayon sa DTI, magpapalabas umano ng subsidy ang DA na ipamamahagi naman ng Department of Interior and Local Government sa mga apektadong nagbebenta ng bigas sa mga local na pamahalaan.
Isa lamang ang maidarasal ng taumbayan… nawa’y tama at nasa mabuting landas ang desisyong ito.
Nawa’y mula sa magsasaka, traders, hanggang sa simpleng Pilipinong konsyumer ay maibsan ang masakit na epekto ng pagtaas ng presyo ng bigas.
Isa pang dapat tutukan ng mga ahensya ng pamahalaan, partikular ng Bureau of Customs at law enforcement units ng bansa ang paglansag sa mga hoarders na nag-iipit ng supply para tumaas ang presyo ng bigas.
Kamakailan ay ilang warehouse na sa Bulacan ang nadiskubreng nagtatago ng mga libo-libong sako ng imported na bigas na nagkakahalaga ng daang-daang milyong piso.
Sa mga namumuhunan ngunit nag-ho-hoard, mahiya naman kayo at maawa sa tao.
Hindi lang kayo ang tao sa Pilipinas!
Maawa kayo sa pangkaraniwang Pilipinong hirap nang pagkasyahin ang kinikita para maibili lamang ng pagkain at mabayaran ang ilan pang bayarin.
Samantalang kayo ay kikita ng malaki sakaling mapatungan na ninyo ang presyo ng inyong produkto.
Ako ay pinalaki sa pangaral na kailanman ay huwag kang mag-aaksaya ng bigas o ng kanin dahil may gaba o karma ito.