Butas ang bulsa ng mga pasahero ng Light Rail Transit Line 2 (LRT2) dahil sa ipatutupad na dagdag pasahe simula bukas, Miyerkoles, 2 Agosto.
Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na itinaas sa P14 ang minimum fare mula sa P12 habang ang maximum fare mula Recto Station hanggang Antipolo Station ay P33 na mula sa dating P28.
Para sa single-journey tickets, ang minimum fare ay mananatiling P15, habang ang maximum fare ay dinagdagan ng limang piso o P35 mula sa dating P30.
Patuloy na magtatamasa ng 20% discount ang mga estudyante, senior citizens, at persons with disability (PWDs).
“(A)ng karagdagang pamasahe ay gagamitin para sa pagsasaayos at pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo ng LRT2,” sabi sa DOTr advisory.