May kagyat na pangangailangan upang baguhin ang ugali at paninindigan ng mga kawani ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil ilan sa kanila ang sagabal sa repormang ipinatutupad sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay BuCor chief Gregorio Catapang Jr, ang ilang kawani ng NBP ang nangungunsinti o kaya’y mismong nagpupuslit ng mga kontrabando sa pasilidad.
“Persons deprived of liberty are easy to be convinced or follow orders but BuCor personnel at the NBP seemed to be not following the reforms we have introduced,” sabi ni Catapang.
Inihalimbawa niya ang isang corrections officer na nabistong inalis ang CCTV focus upang hindi mamonitor ang kanyang kilos.
“Who will be the ones to guard the guards manning the gates? I cannot guard them all and this shows that there is a big problem in attitude and behaviour of our men,” ani Catapang.
Giit niya, kailangan ikintal sa puso’t isipan ng mga kawani ang “values, integrity and discipline” ng mga empleyado kaya’t nakatakdang ipagkaloob sa kanila ang mga batayang pangangailangan gaya ng pabahay at maayos na suweldo upang hindi sila matuksong magnakaw o magpasok ng mga kontrabando.
Ipinaiiral sa NBP ang moratorium sa pagtanggap ng mga bagong PDLs dahil sa barilan at saksakan ng mga preso at pagkatuklas sa mga labi sa pozo negro sa maximum security compound.
Direktiba aniya ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa layuning I-decongest ang NBP at maiwasan ang “enculturation” ng bagong inmates.
Maaaring dalhin ang bagong inmates sa Sablayan Prison and Penal Farm, sa San Ramon Prison and Penal Farm, sa Davao Prison and Penal Farm at sa Iwahig Prison and Penal Farm.
Giit ni Catapang, ang siksikan sa NBP ang pangunahing problema dahil kahit magpalaya ng 300 PDLs kada buwan ay tumatanggap naman ng 500 bagong inmates sa NBP, ang karamihan ay drug convicts.
Umaarangkada ang imbestigasyon sa mga personalidad na posibleng sumasabotahe sa inilalargang reporma sa BuCor, ani Catapang.