Inihayag ng United States maritime security analyst na si Ray Powell na hinarass at hinarangan ng dalawang China Coast Guard at apat na Chinese maritime militia ang BRP Malabrigo ng Philippine Coast Guard habang nagpapatrolya patungo sa Scarborough shoal sa loob ng 21 oras na nagsimula noong hatinggabi ng Marso 7.
Ayon kay Powell, kahit na hirap silang matukoy ang aktuwal na pangyayari ay kita sa data mula sa Automatic Identification System na hinarass at hinarangan ng mga sasakyang pandagat ng China ang daanan ng patrol ship ng Pilipinas.
Dalawang beses na umanong sinubukan ng barko ng ng PCG na maabot ang pinagtatalunang bahura ngunit ito ay hinarang ng mga mapanganib na maniobra ng CGC at Chinese maritime militia vessels.
Samantala, wala pang pahayag ang Chinese Embassy sa Maynila hinggil sa panibagong insidente sa naturang karagatan.
Una na ngang pinarangalan kamakailan ng PCG ang 36 na tauhan ng Malabrigo para sa kanilang pagtatanggol sa mga karapatan ng ating bansa sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal) sa West Philippine Sea.
Sa ibang balita, nasagip ang 168 na pasaherong lulan ng barkong MV SWM Salve Regina na sumadsad sa Sitio Agbuyog, Barangay Capaclan Romblon nitong Linggo. Sakay din nito ang 55 crew members at 21 rolling cargoes.
Umalis sa Magdiwang Port sa Romblon ang passenger vessel at patungo ng Romblon, Romblon nang mangyari ang insidente.
Matapos na sumadsad ang barko, agad namang nakipag-ugnayan ang Coast Guard Station Romblon sa mga lokal na otoridad parailikas ang mga pasahero.
Wala naman nakitang bakas ng tumagas na langis mula sa sumadsad na vessel.