Inihayag ng Bureau of Customs na hinahanap pa rin ng mga operatiba nito ang isa sa dalawang luxury sports cars na nag-viral matapos mamataan ang mabilis na pagtakbo nito sa mga kalsada ng Metro Manila.
Ayon sa mga ulat, ang pulang Bugatti Chiron 2023 model na may plakang NIM-5450 ay isinuko ng umano’y may-ari nito na kinilalang si Tru Thrang Nguyen, sa isang bahay sa Ayala Alabang, Muntinlupa noong Pebrero 9.
Ang pangalawa, isang asul na Bugatti Chiron 2023 model na may plakang NIM-5448, na pag-aari umano ni Menguin Zhu, ang hindi pa nahahanap at umaasa ang BOC na isusuko ng may-ari ang asul na Bugatti Chiron.
Ayon kay deputy commissioner Michael Fermin, nag-isyu noong Pebrero 2 ng warrant of seizure at detention para sa parehong sasakyan at dagdag niya, mahaharap pa rin si Nguyen sa mga kaso dahil sa paglabag sa Customs Modernization Law, partikular sa Sections 1400 in relation to Sections 1113.
Tumanggi naman si Fermin na ibunyag ang karagdagang mga detalye tungkol sa asul na Bugatti Chiron, kung saan binanggit ang sensitive nature ng operasyon.
Gayunpaman, kinumpirma ni Fermin na iniimbestigahan na ng BOC ang mga tauhan na pinayagan ang pagpasok ng dalawang sports car, ngunit tumanggi na ipaliwanag.