Matapos itanghal sa takilya ang unang Hollywood movie ni Liza Soberano na “Lisa Frankenstein,” hindi naman pahuhuli si Lovi Poe na gagawa ng kanyang ikalawang pelikulang sa Amerika.
Ipinahayag ng anak ng yumaong FPJ sa kanyang Facebook at Instagram na nagsimula na siyang mag-shooting ng pelikulang “Bad Man” na pagbibidahan nina Seann William Scott (“Dukes of Hazard” at “Road Trip”) at Johnny Simmons (“Evan Almighty” at “21 Jump Street”).
“So happy to finally announce being part of BAD MAN. Can’t wait to share more about this amazing film with an even more amazing cast,” sabi ni Poe sa caption ng larawan ng artikulo tungkol sa pelikula na nalathala sa “Deadline” magazine.
Kasama sa post ang larawan niya katabi si Scott at ang mga mukha ng limang lalaking kasama niya sa pelikula.
Ang iba pang makakasama ni Poe sa “Bad Man” ay sina Rob Riggle (“21 Jump Street”), Chance Perdomo (“After We Fell”), at Andre Hyland (“Barry”).
Hindi pa batid kung ano ang role niya sa pelikula na ginagawa sa Alabama, ayon sa ulat ng GMA News.
Aksyon at katatawanan ang “Bad Man” na batay sa tunay na pangyayari.
“Kuwento ito ng isang pulis na ginagampanan ni Seann William Scott na lulong sa ilegal na droga. Nakarating siya sa isang maliit na bayan at hindi niya makasundo ang deputy police officer na ginagampanan ni Johnny Simmons,” pag-uulat ng GMA News.
Nakagawa na ng pelikula sa Hollywood si Poe, ang “The Chelsea Cowboy,” ngunit ito’y hindi pa ipinalalabas kaya hindi pa masukat ang tagumpay niya sa Hollywood.